In fairness, nakatutuwang makita sa Gandang Gabi Vice ng ABS-CBN ang loyal Kapuso na tulad ni Kuya Germs. Last Sunday ay isa ang TV host-comedian sa mga bisita ni Vice at kuwela naman ang naging palitan nila ng punchlines, lalo na nu’ng tinawag ni Vice ang pulis na nanalo bilang Mr. International-Philippines na kakatawan sa bansa for the said international pageant in Korea.
Tawa kami nang tawa nu’ng pinauupo ni Kuya Germs ang guwapo at hunk na aviation police sa upuan ni Vice at nag-suggest itong magpakalong na lang si Vice.
Ito pa ang nagsampol ng pag-upo sa mga hita ng pulis kaya’t riot na riot ang tawanan. Pero dahil mabilis ang pick-up ni Vice sa mga ganu’ng sitwasyon, binaligtad nito ang sitwasyon at siya ang kumandong sa guwapong police officer na halatang kinainggitan ni Kuya Germs. Ha-hahaha!
Inanunsyo rin ni Kuya Germs na isasama na niya si Vice Ganda sa kanyang Walk of Fame dahil sa kontribusyon nito sa industriya. Nangako naman ang TV host-actor na personal niya itong pupuntahan.
At dahil nagpaalam at pinayagan ng mga bossing ng GMA si Kuya Germs para makapag-guest sa show ni Vice, sana raw ay bumisita rin ito sa Walang Tulugan.