Laro sa Miyerkules
(SM Mall of Asia Arena)
3:30 p.m. NU vs FEU (Game 3)
TUMIPA si Troy Rosario ng 15 sa kanyang 19 puntos sa first half habang bumanat ng magkasunod na triples sa huling yugto si Gelo Alolino para tulungan ang National University sa 62-47 panalo sa FEU sa Game Two ng 77th UAAP men’s basketball Finals kahapon sa Smart Araneta Coliseum.
Umabot sa 24,896 ang taong nanood sa larong inakalang tatapusin na ng Tamaraws pero ang Bulldogs ang nangagat gamit din ang matibay na depensa upang magkatabla ang dalawa sa 1-1 baraha.
Ang maagang pagsusumigasig ni Rosario ay nakatulong para makalamang ng hanggang 16 puntos sa first half ang Bulldogs at kahit apat na lamang ang kanyang naiambag sa second half, siya naman ang nanguna sa depensa matapos itala ang karamihan sa 14 rebounds sa huling dalawang yugto.
“Nawala ako sa second half sa Game One kaya gusto ko talagang makatulong sa team sa larong ito. Ayaw ko rin na matapos na ang paglalaro ko sa UAAP,” wika ni Rosario na nasa huling taon ng paglalaro sa liga at bago ang labanan ay kinilala bilang Most Improved Player ng liga.
Ang buslo ni Rosario sa pagsisimula ng huling yugto ang nagpatikim sa NU ng 45-30 kalamangan pero nagtulong sina Mark Belo at Mike Tolomia para makadikit ang FEU sa anim, 50-44.
Ngunit naroroon ang kamay ni Alolino na bumanat ng magkasunod na tres para iangat sa 12 ang kanilang bentahe, 56-44.
“I thought our guards handled the pressure very well,” pahayag ni NU mentor Eric Altamirano na tinuran din ang nanumbalik na sigla sa depensa na siyang tunay na nagpanalo sa kanyang koponan.
Ang 47 puntos ang pinakamababang naiskor ng isang koponan sa liga mula pa noong 2003.
Sina Belo at Tolomia ay may 17 at 15 puntos, pero nagsanib lamang sila sa 11-of-32 field goal shooting.