Umabot sa 130 kilo ng pinatuyong dahon ng marijuana ang nasabat ng mga otoridad sa North Luzon Expressway (NLEX) kaninang umaga, ayon sa pulisya.
Nasamsam ang marijuana sa isang Hi Ace van na in-intercept ng mga awtoridad dakong alas-8:30, ayon sa PNP Criminal Investigation and Detection Group.
Dinampot si Moises Simsim, 37, at isang 16-anyos, na kapwa sakay ng van.
Mga elemento ng PNP CIDG-National Capital Region, na pinamunuan ni Chief Insp. Nillo Briones, kasama ang Highway Patrol Group, Regional Highway Patrol Unit-3, at Meycauayan City Police ang humarang sa van, ayon sa pulisya.
Nag-ugat ang operasyon sa ulat na natanggap ng pulisya sa isang impormante sa Benguet.
Dahil sa impormasyon ay binuntutan ng mga operatiba ang van mula La Trinidad, hanggang sa Balintawak, Quezon City.
Unang napaulat na aabot sa 300 kilong marijuana ang laman ng van, pero umabot lang sa 130 kilo ang bigat nang timbangin ng mga tauhan ng PNP Crime Laboratory, sabi ni Chief Insp. Elizabeth Jasmin, tagapagsalita ng CIDG.
Tinatayang nasa P1.8 milyon ang halaga ng marijuana at napag-alaman na nirentahan ang van sa halagang P15,000 para bumiyahe hanggang Dangwa flower market sa Dimasalang st., Manila.
Dinala ang mga nasabat na marijuana sa tanggapan ng CIDG-NCR sa Camp Crame at doo’y nakatakdang inspeksyunin ni Interior and Local Government Sec. Mel Sarmiento kahapon.
– end –
The post 130 kilo ng ‘damo’ nasabat appeared first on Bandera.