PARA sa tropa nina Hermogenes Esperon Jr., Avelino Razon Jr., Boysie Rosales at Geary Barias, ang pagdadawit ni Antonio Trillanes kay Jejomar Binay sa kudeta sa Manila Pen ay hindi na bago at alam na rin nila ito bago pa man magmartsa ang takbuhin, kasama si Danilo Lim, sa Makati Regional Trial Court. Pero, kailangang malaman ito ng taumbayan na pipili sa susunod na pangulo sa 2016, mula na rin sa bibig ng isdang trilyanes.
Ngayong idinawit na ni Trillanes si Binay sa kudeta kontra Gloria Arroyo, mantakin bang natuyo ang ngala-ngala’t nanginig ang tuhod ng ilang matatandang tinali (politiko) na kasama, kasangkot, nagpondo, nangalap ng tao para sa imposibleng people power noon. “Ito namang si Trillanes, pag di ko ito napagbigyan ay baka idawit din ako,” anang matandang tinali habang humihigop ng mainit na sabaw ng suwam sa Greenhills, San Juan.
Sa kudeta noon ni Trillanes ay di nakita ni anino ni Binay. Pero sa pag-aalsa ni Ariel Querubin sa headquarters ng Marine Corps ay biglang nakita sa labas ng bakod si Cory Aquino kasama ang ilang amiga na nagdarasal habang naglalakad at bitbit ang rosaryo.
Pagkalipas ng ilang araw, ang pakli ni Cory ay napadaan lang daw siya; dahil hindi nakisimpatiya ang Marines kay Querubin, tulad ng inakala niya at unang kasunduan sa katropa, at naging supot ang pag-aalsa ng gerero ng Marawi (saying at bilib pa naman si Baby Arenas kay Querubin).
Hindi naitanggi ni Toby Tiangco ang malagkit na ugnayan noon nina Binay at Trillanes, pero pinagtawanan niya at tinawag na imposible na namahagi ng mga baril si Binay kay Trillanes paglabas nito ng Makati RTC. Pero, bigla ngang nagkaroon ng mahahabang baril ang pumaligid na security ni Trillanes.
Muli, binabanggit ko ang lalaking naka-wig na nakatayo sa likod ni Trillanes, na di agad nakilala ng CIDG at NCRPO. Ang naka-wig ay kasapi ng security ni Binay, kaya’t madikit pa nga sa malagkit na itim na bigas ang ugnayan noon nina Binay at Trillanes.
Tanong ng paborito kong pitong lasing sa Batangas: kung sindikit ng biko ang ugnayan, makikipagdebate ba ang isang dikit sa isang dikit? Ngayon, anang pitong lasing, hindi na malabo sa sabaw ng pusit ang isyu.
Ang nabarik sa Batangas ay dignidad ng pagiging lalaki. Kaya ayon sa katropang pitong (alam mo naman iyan, Rolly Carandang, ang paboritong reporter ng halos pitong PC-INP at PNP chief) lasing, pwe si Mar Roxas.
Kahit sinong sundalo, alam na mapababagsak lamang si GMA kapag pumayag ang Amerika. Sa lahat ng pagtatangka kontra GMA, hindi siya iniwan ni Kristie Kenney. At alam din ito ni Binay.
Noon pa man, ang simpatiya ko ay sa Waray, lalo pa sa nakatulong na si Kokoy Romualdez. Sige, gawin ninyong persona non grata sina Panfilo Lacson at Roxas. Aquino? Paano nagkaroon ng Aquino sa Waray?
MULA sa bayan (0906-5709843): Isama mo na ako kay Elvie, ng Poblacion, Palo, Leyte. Mabuhay ang Kano. Ang kanilang ibinigay na kumot ay hindi pa punit. Ang ibinigay na kumot ng DSWD ay hindi kasya ang isang tao na may height na 5’7”. Madaling napunit ang kumot ng DSWD at ngayon ay limang piraso na, at ginawa na naming trapo. …1879.
Hindi totoo ang balita na nagpapasalamat ang mga taga-Tanauan, Leyte kay Sec. Mar Roxas. Mga bata ni mayor ang nagsasalita sa A… news TV. Sana naman, hindi kayo tulad ng mga taga-A… Ibalita ninyo ang totoo. Dito sa Tanauan, nangibang-bayan na ang mga biktima ni Yolanda. Ayaw nilang mamatay ng naka-nganga. … 9112