Umakyat na sa apat ang bilang ng mga nasawi sa pagguho ng lupa, na dulot ng ulang dala ng amihan, sa Real, Quezon, ayon sa mga otoridad.
Nadagdag sa listahan si Jhosa Mae Lastimosa, 5, matapos matagpuan alas-8:20 ng gabi Sabado, ayon sa ulat ng Office of Civil Defense-Calabarzon.
Unang naiulat na nawawala si Jhosa Mae sa landslide na kumitil sa buhay ng ina niyang si Normita at mga kapatid na sina Joan, 10, at Joylyn, 1.
Ang landslide, na tumabon sa bahay ng mga Lastimosa sa Purok 5, Brgy. Tanauan, ala-1 ng hapon, ay dulot ng ulang dinala ng amihan kasunod ng bagyong “Nona,” ayon sa OCD-Calabarzon.
Nawasak din ng landslide ang isa pang bahay, pero walang naiulat na nasawi o nasugatan doon.
Bukod sa naturang insidente, nagdulot din ang mga pag-ulan ng baha sa ilang bahagi ng mga lungsod at bayan ng Los Banos, Binan, Calamba, Sta. Rosa, Siniloan, Victoria, Sta. Cruz, Sta. Maria, Cabuyao, Nagcarlan, at Pangil ng Laguna.
Umabot sa hita at baywang ang taas ng tubig sa ilang barangay ng mga naturang lugar, pero humupa rin Sabado ng gabi, ayon sa OCD.
– end –
Reply, Reply All or Forward | More
The post Patay sa Quezon landslide 4 na; insidente isinisi sa amihan appeared first on Bandera.