[caption id="attachment_93420" align="aligncenter" width="600"]
ENRIQUE GIL AT LIZA SOBERANO[/caption]
Kung gusto mong ma-inlove, tumawa at maiyak, swak na swak sa iyo ang pelikula nina Enrique Gil at Liza Soberano na nagbukas sa mga sinehan kahapon, Hunyo 17.
Dahil napaka-light ng tema ng pelikula, ito ay binigyan ng MTRCB ng "G" o for General Patronage o para sa lahat ng manonood.
At dahil nga sa tagumpay ng kanilang teleseryeng Forevermore, heto't may kasunod agad na pelikula ang bagong pinakamatagumpay na loveteam.
Hindi ka naman bibiguin ng pelikula kung nabitin ka sa kanilang Forevermore na teleserye.
Istorya ng pinagpustahan ng mga magbabarkada na mapapaibig ang isang weirdo na ginagampanan ni Liza sa papel na Sophia Taylor at ang pilyong mayaman na ginagampanan ni Enrique bilang Drake Santos, siguradong papakiligin, patatawanin at papaiyakin kayo ng dalawang bida.
Bagamat hindi malaki ang ginastos ng pelikula dahil hindi naman kilala ang mga bagets na kasama ng dalawang bida, sulit naman ang pelikula.
Pagkatapos ng pelikula, siguradong lalabas ka ng sinehan na may ngiti sa labi at magaan ang pakiramdam.
Dinala nina Enrique at Liza ang pelikula, bagamat baguhan pa ang kanilang loveteam.
Siyempre, nagbigay din ng suporta sa pelikula sina Ricky Davao, Yayo Aguila, Sunshine Cruz at Tonton Gutierrez.
Napatunayan na may chemistry nga sina Enrique at Liza at bukod sa parehong guwapo at maganda ang dalawang bida, may ibubuga din sa pag-arte ang magka-loveteam.
Isinasabuhay din ng pelikula ang tipikal na buhay ng isang pamilyang Pilipino na may kanya-kanyang pinagdadaanan sa buhay.
At batay na rin sa mga nanood sa unang araw ng pelikula, kung saan ang mga nanood ay mula sa lahat ng age bracket, mula sa mga bata, teenager, at siyempre ang mga young at heart, masasabing may mga sariling tagahanga na nga sina Liza at Enrique na pawang positibo naman ang personalidad.
Kung magtutuloy-tuloy ang mga proyekto para kina Liza at Enrique, siguradong lalong lalawak ang kanilang mga tagahanga.
Ang maganda rin kapag may mga bagong loveteam na nagtatagumpay, lumalawak din ang pagpipilian ng mga nanonood at siyempre hindi maipagkakailang banta ang loveteam nina Liza at Enrique sa mga kilalang loveteam sa kanilang henerasyon.
At dahil sa kompetisyon, inaasahan na pagbubutihan din ng ibang mga loveteam ang kanilang trabaho para naman hindi matalo ng bagong loveteam.
Siyempre, ang mga fans ang makikinabang sa nangyayaring kompetisyon dahil siguradong magsusumikap ang kada loveteam na ibigay ang kanilang pinaka-best para makasabay sa agos.
Ano pa hinihintay nyo? panoorin na ang Just The Way You Are.
