NAPAKABILIS talaga ng panahon. Akalain ninyo, 48 linggo na lang o 8,065 oras na lang ay bababa na si Pangulong Aquino sa Malacanang. Ito ay kung kukwentahin natin ngayon hanggang sa halalan sa Mayo 9, 2016.
Kung tutuusin, marami pang magagawa si PNoy sa huling 483,840 minuto ng kanyang panunungkulan. May mga panukala tayo para “bumango” naman ang kanyang administrasyon sa kanilang huling mga oras.
Una, itigil niya ang mga PPP o kontrata na merong “government guarantee.” Nangyari ito sa maintenance at operation contract ng LRT1 kung saan nagtaas sila ng pasahe kahit hindi dapat at merong mga probis-yong nagbibigay garantiya na hindi malulugi ang nanalong bidder. Ganyan ang nangyari sa paniningil ng Maynilad Water sa gobyerno. Nalugi raw sila nang pagbayarin sila ng income tax at hindi ito
ipinasa sa mga consumers.
Ikalawa, ibalik na sa dati ang pasahe sa MRT dahil sira-sira naman ang operasyon nito. Bukod pa sa katotohanang bilyon-bilyong piso ang nakalaan sa 2015 budget para sa “improvement” ng MRT3. Saan kaya nila dadalhin ang dagdag na kita mula sa commuters?
Ikatlo, hanapin ni PNoy ang tunay na presyo ng kuryente, tubig, gasoline nang hindi naman sobra-sobra ang tubo ng mga public utility companies, oil companies, power producers at distributors. Bawasan din ang buwis dahil pati gobyerno, nakakabigat na rin.
Ika-apat, lutasin ang trapiko sa Metro Manila at permanenteng alisin ang mga “container trucks” sa lansangan. Kung ako ang tatanu-ngin, dapat itong PNR commuter system ay gawing “cargo rail” na lamang kung saan ang mga container cargo na pumapasok at lumalabas ng pier ay maihahatid sa labas ng Metro Manila, NLEX man o SLEX.
Ikalima, lutasin ang problema sa squatters o informal settlers. Kundi ako nagkakamali, merong nakalaang P10 bilyon ang gobyerno para paalisin ang mga squatters sa mga waterways at iba pang lugar at i-relocate. Mukha yatang dinidribol na naman dahil malapit na ang eleksyon at kailangan ng boto.
Ikaanim, tanggalin ang mga abusado, kurakot at mga walang kwentang pulis sa hanay ng PNP dahil dito nag-uugat ang mga karaniwang problema ng bayan gaya ng droga, sugalan, kotong at kriminalidad.
Ikapito, ipatupad ang isang “emergency employment program” upang mabawasan ang mga istambay. Turuan sila ng mga technical skills tulad ng welding, pagmemekaniko, technician, masonry, house construction at iba pa.
Ikawalo, paliitin ang agwat ng minimum wage ng mga manggagawa sa milyon-milyong pisong kita kada buwan ng mga “executive positions.” Noong 1990s sa Singapore, ipinatupad ni dating Prime Minister Lee Kuan Yew ang 5-year freeze sa sweldo ng mga top executives habang dinoble ang mga sweldo ng mga manggagawa. Ang naging resulta: lumipad ng husto ang kanilang ekonomiya noon at binabalak na namang ulitin ngayon.
Ikasiyam, ihinto niya ang contractualization sa mga kompanya na magbibigay proteksyon sa mga manggagawa. Paanong uuwi sa Pilipinas ang mga overseas Filipino workers kung contractual lang ang trabahong babalikan nila rito.
At panghuli, sampahan niya ng kaso at ipakulong ang mga kakampi niya na nagsamantala sa panahon ng Daang Matuwid.
Kailangan niyang gawin ito, para malaman ng tao kung talagang sinsero siya sa bayan.