NAMAALAM na sa ere ang The Buzz matapos kumpirmahin ng isa sa mga host nito na si Boy Abunda na huling episode na nila ito ngayong araw.
Sa isang emosyonal na pamamaalam, nagpasalamat si Abunda sa lahat ng tumangkilik sa The Buzz. Inamin naman ni Abunda na nasasaktan siya sa pagkawala ng The Buzz.
“It hurts to say goodbye. ito ang aming pangako mawawala man kami ngayong araw, kami po ay magbabalik muli,” sabi ni Abunda. Nakikinig lamang ang dalawa pang host na sina Toni Gonzaga at Kris Aquino habang namamaalam si Abunda.
Ayon kay Abunda, marami nang nagbago kayat kailangan munang mamaalam ng The Buzz para pag-aralan kung ano ang dapat gawin para makaagapay sa nangyayari.
“Maraming nang naganap sa mundong ito. Ito ang dahilan kung bakit pansamantalang kami mawawala sa ere. Isang malaking pagbabago ang inyong aabangan. Talk-showbiz genre is not going to die.
The best way to stop today,” ayon pa kay Abunda. Aniya, nangako siya sa sarili na hindi siya iiyak sa kabila ng pamamaalam ng The Buzz.
Nangako naman siya na babalik sila muli, kahit hindi sila magkakasamang tatlo nina Kris at Toni.