Laro Ngayon
(Araneta Coliseum)
5 p.m. Meralco vs Rain or Shine
MATAPOS ang limang araw na pahinga ay nakahanda na ang Meralco na bawian ang Rain or Shine sa Game Two ng kanilang best-of-five PBA Commissioner’s Cup semifinals series mamayang alas-5 ng hapon sa Smart Araneta Coliseum sa Quezon City.
Halos hindi nakapagpahinga’t nakapaghanda ang Bolts para sa kanilang serye laban sa Elasto Painters matapos na mawalis nila ang NLEX, 2-0, sa best-of-three quarterfinals. Katunayan, sa Game Two ng serye, ang Bolts ay naghabol sa 20 puntos na abante ng Road Warriors, nakapuwersa ng overtime at nagwagi, 91-85.
Wala pa halos dalawang araw ay katunggali na nila ang Rain or Shine. Kaya naman halos wala sa porma ang Bolts at natalo, 99-86, sa series opener noong Martes.
Tinakbuhan at nilamangan ng Rain or Shine ng Meralco sa fastbreak points, 26-2. Nilimita rin ng Elasto Painters si Meralco import Josh Davis sa 11 puntos.
Ang Meralco ay pinamunuan ni Gary David na nagtala ng 14 puntos. Subalit nahirapan si David sa depensa ng Rain or Shine rookie na si Jericho Cruz na pumigil sa kanya sa limang puntos sa second half. Si coach Norman Black, na nasa ikalawa niyang conference sa bench ng Meralco matapos na lumipat buhat sa Talk ‘N Text, ay umaasang makakabawi ang kanyang mga bata.
Si Black ay sumasandig din sa mga tulad nina Cliff Hodge, Reynell Hugnatan, John Wilson, Sean Anthony at Mike Cortez.
Alam ni Rain or Shine coach Joseller “Yeng” Guiao na magsasagawa ng karampatang adjustments ang Meralco kaya naman pinaalalahanan niya ang kanyang mga bata na huwag magkumpiyansa.
“It’s just a one-game lead We cannot afford to be complacent. We have to be always on our toes,” ani Guiao na naghahangad na mabigyan ng ikalawang titulo ang Rain or Shine.
Sa Game One ng serye ay nakakuha si Guiao ng magandang kontribusyon mula sa mga reserbang sina Raymond Almazan, Chris Tiu at Cruz. Kaya naman hindi gaanong na-pressure sina Gabe Norwood, Paul Lee, Beau Belga at Jeff Chan.
Si Wayne Chism ay gumawa ng sampu sa kanyang game-high 18 puntos sa third quarer ng larong iyon.
Ang mananalo sa seryeng ito ay makakatunggali ng magwawagi sa serye ng Talk ‘N Text at Purefoods Star sa isang best-of-seven championship round.
Nakalamang ang Purefoods Star sa seryeng iyon matapos na magwagi sa Game One, 100-96. Ang Game Two ay idaraos bukas sa ganap na alas-7 ng gabi sa Big Dome.