
Rodrigo Duterte at Sara Duterte
IPINAGDIINAN ni Vice President Sara Duterte na “kinidnap” daw ang kanyang amang si dating Pangulong Rodrigo Duterte na tinawag niyang “tatay ng lahat”.
Naglabas ng video ang bise presidente sa kanyang official Facebook page nitong Sabado, May 10, kung saan nagpasalamat siya sa lahat ng supporters ng kanilang pamilya.
“Ang puwesto na kinatatayuan ko ay hindi para sa akin. Ito ay para sa Pangulong Rodrigo Duterte. Pero tinawag ako ng tadhana dahil kinidnap ang tatay nating lahat,” ang pahayag ni VP Sara.
Patuloy pa niya, “Ako si Inday Sara, isang botanteng nagmamahal sa ating bayan at natatakot para sa ating kinabukasan.”
Nasa kustodiya pa rin ng International Criminal Court (ICC) sa The Hague, Netherlands si dating Pangulong Duterte matapos arestuhin noong March 11 dahil sa umano’y mga nagawa niyang “crimes against humanity.”
Samantala, nanawagan din si VP Sara sa sambayanang Filipino na iboto ang mga nararapat na kandidato ngayong araw ng eleksyon dahil sa mga mahahalal na politiko nakasalalay ang kinabukasan ng bansa.
Pahayag ng bise presidente, “Iniibig ko ang Pilipinas. Iniibig ko kayong mga Pilipino. This election will decide the future of our country.
“Ang boto ninyo ang magbibigay katiyakan kung maituloy ang pagbabago o tuloy-tuloy na lang tayo sa kapahamakan,” aniya.
The post Sara Duterte: Tinawag ako ng tadhana dahil kinidnap ang tatay nating lahat! appeared first on Bandera.