
Kiko Estrada
MUKHANG binabagyo ngayon ng suwerte at blessings ang aktor na si Kiko Estrada dahil nagkasunud-sunod ang kanyang projects.
Hindi pa man natatapos ang matagumpay na TV5 primetime series niyang “Lumuhod Ka sa Lupa,” inanunsyo na agad sa isang story conference sa TV5 Media Center ang kanyang follow-up project.
Si Kiko ang napili ng mga Kapatid executives na bumida at gumanap sa iconic titular character na “Totoy Bato.”
Ang istorya nito ay hango sa klasik na pelikula ni Da King Fernando Poe, Jr., na gawa ng legendary comics creator at film producer na si Carlo J. Caparas.
Matinding aksyon at bakbakan ang aasahan ng mga manonood dahil ang karakter ni Kiko ang magsisilbing tagapagligtas ng Pook Paraiso gamit ang kanyang kamao.
Bilang “Totoy Bato,” makikipagmatigasan si Kiko laban sa mala-pader na makapangyarihang mga pamilya. Bigatin ang mga makakasama ni Kiko—mga batikan, at ilan sa magagaling na aktor ngayon.
View this post on Instagram
Kabilang din sa cast ng “Totoy Bato” sina Bea Binene, Cindy Miranda at Diego Loyzaga, kasama sina Nonie Buencamino, Mon Confiado, Art Acuña, Mark Anthony Fernandez at ang premyadong aktres na si Eula Valdez.
May espesyal na partisipasyon din sa serye sina Joko Diaz, Katya Santos, Kean Cipriano at Jackie Lou Blanco.
Makakasama rin ni Kiko sina Andrew Muhlach, Billy Villeta, Ivan Padilla, Lester Llansang, Benz Sangalang, Gold Aceron, at ang anak ng creator ng “Totoy Bato” na si CJ Caparas.
Ipakikilala naman sina Lawrence Dela Cruz, Benedict Lao, Natania Guerrero, Jeremiah Cruz, Dwayne Bialoglovski at Stanley Abuloc.
Sa direksyon ni Albert S. Langitan, kasama sina Zyro Radoc at Ambo Gonzales, ang “Totoy Bato” ay produced ng MavenPro at Sari Sari Network Inc., sa produksyon ng Studio Viva at malapit na malapit nang matunghayan sa TodoMax Primetime Singko ng TV5.
Samantala, sa panayam kay Kiko sa finale mediacon ng “Lumuhod Ka Sa Lupa” sinabi nitong mas doble ang nararandaman niyang kaba pero mas nangingibabaw ang excitement.
“Pressure makes diamonds. You cannot have diamonds if there’s no pressure. And this is the first one, na Paquito Diaz was in that movie. Imagine yung reason kung bakit ako naging artista,” ani Kiko na ang tinutukoy ay ang kanyang yumaong lolo.
Nagsimula na rin daw mag-training ang aktor sa pagboboksing bilang preparasyon sa “Totoy Bato” na talagang dati pa niyang pangarap na gampanan.
The post Kiko Estrada kinakarir ang training sa boksing para sa ‘Totoy Bato’ remake appeared first on Bandera.