Quantcast
Channel: Bandera
Viewing all articles
Browse latest Browse all 44614

Derma to the rescue: Paano iwasan ang bungang araw, sunburn tuwing tag-init?

$
0
0
Derma to the rescue: Paano iwasan ang bungang araw, sunburn tuwing tag-init?

Dr. Sheehan Mae Tolentino-Almadani sa bungang araw, sunburn

BUKOD sa heat stroke at heat stress, alam niyo bang dapat ding iwasan tuwing panahon ng tag-init ang ilang skin conditions?

Kabilang na riyan ang bungang araw at sunburn na bigla-bigla nalang sumusulpot sa inyong mga balat!

Para alamin ang ilang tips kung paano maiiwasan ang mga ganitong klaseng skin problems, nakachikahan ng BANDERA ang isang board-certified dermatologist.

Siya’y walang iba kundi si Dr. Sheehan Mae Tolentino-Almadani ng Skin Avenue MD.

Baka Bet Mo: #SerbisyoBandera: Old military uniforms may bagong misyon, bida na sa fashion

Bungang araw o Prickly Heat

Derma to the rescue: Paano iwasan ang bungang araw, sunburn tuwing tag-init?

PHOTO from Cleaveland Clinic

Ayon kay Dr. Sheehan, ang Bungang Araw o Prickly Heat (Miliaria Rubra) ang pinaka-common na kondisyon sa balat tuwing summer o tag-init.

“This usually presents as red bumps over the areas na laging napapawisan or usually nakco-cover ng pawis –neck, trunk, mga singit tulad ng kili-kili,” paliwanag niya.

Lumilitaw raw ang mga mapupulang butlig kapag barado na ang sweat glands.

Ang pinaka sanhi raw nito ay, “Thick blankets or kapag masyadong masikip ‘yung mga sinusuot nating damit, kapag kulang ‘yung ventilation sa bahay at kapag mahilig din sa exercise o sa sports.”

Paano naman ito nagagamot?

“Usually, I advise my patient to make sure na nasa cool environment sila to ensure adequate ventilation sa bahay –dapat laging may fan or ‘yung iba naman naka-aircon, and then they can also apply ice compressed over the areas na may rashes, and eventually, mawawala din siya nang kusa,” sagot sa amin ng derma.

Sunburn

Derma to the rescue: Paano iwasan ang bungang araw, sunburn tuwing tag-init?

Isa pa sa madalas na iniinda natin tuwing summer ay ‘yung sunburn na madalas nakukuha sa mga mahilig mag-beach o mag-outdoor activities.

“Ito ‘yung condition where in nagkakaroon ng sugat sa ating balat dahil sa sobrang pagbibilad sa araw. So ang sunburn ay isang uri ng skin damage na secondary to ultraviolet radiations, which causes burning of the skin,” sambit ni Dr. Sheehan.

Makikita raw ito bilang mapula at patchy na balat na mahapdi, at nagbabalat pagkalipas ng ilang araw.

“So mapapansin mo rin with sunburn na merong very direct or very sharp demarcation mula sa areas na nabilad sa araw and ‘yung naka-cover ng damit, like, ‘yung mga swimsuit or naka-shirt, and then usually, patients will feel pain or tenderness over the area, so mahapdi ‘yung area na nasa-sunburn and usually, nagbabalat din ito over time,” esplika ng doktora.

Upang maagapan ang sunburn, kailangan daw itong pahiran ng topical corticosteroids, emollients, at moisturizers.

Pero ika nga ng marami, ang best solution ay prevention!

Kaya heto ang ilang tips ni Dr. Sheehan upang maiwasan ang sunburn: “You should protect yourself from the sun by using sunscreens. You can also wear wide brim hats or mga darker clothing or ‘yung mga damit na may mataas na UPF or ultraviolet protection factor para lesser ‘yung sunburn in the future.”

Ayon sa dermatologist, walang pinipiling edad ang dalawang skin conditions na nabanggit: “It’s more kung sino ang mas prone o predisposed to develop these conditions, so ‘yung mas bilad sa araw, ‘yung mas mahilig sa outdoor sport or sa swimming, at sa mahilig mag-beach.”

Sa huli, nagpaalala si Dr. Sheehan na huwag agad mag-self medicate o magtiwala sa TikTok hacks sa tuwing may tumutubo sa balat, kuko o buhok.

“Kailangan talaga ipa-check natin sa dermatologist para maiwasan ‘yung further complications, so huwag natin ugaliin ang self-medication or ‘yung mga pagsunod sa mga nakikita natin online dahil karamihan dito ay fake news lang,” babala niya.

Aniya pa, “Higit sa lahat, i-check din natin kung board certified ‘yung dermatologist na nagtitingin sa inyo para maiwasan natin ‘yung mas malalang komplikasyon or para hindi na lumala ang ating iniindang sakit.”

The post Derma to the rescue: Paano iwasan ang bungang araw, sunburn tuwing tag-init? appeared first on Bandera.


Viewing all articles
Browse latest Browse all 44614

Latest Images

Trending Articles



Latest Images

<script src="https://jsc.adskeeper.com/r/s/rssing.com.1596347.js" async> </script>