Ikinatuwa ng presidential aspirant na si Sen. Grace Poe ang muling pangunguna nito sa survey sa kabila ng pagdiskuwalipika sa kanya ng Commission on Elections.
Sinabi ni Poe na pagpapakita ito ng marami pa rin ang naniniwala sa kanya at sa kanyang ipinaglalaban.
“It gives me strength to know that our countrymen continue to stand with me in our pursuit of a better, livable and equitable society that benefits all Filipinos and not just a favored few,” ani Poe. “I remain committed to serving them as well.”
Ayon sa survey ni Junie Laylo at lumabas sa Manila Standard, nakakuha si Poe ng 28 porsyento at sinundan ni Vice Presidente Jejomar Binay na may 23 porsyento.
Sumunod naman ang pambato ng Daang Matuwid na si Mar Roxas na nakakuha ng 22 porsyento at pang-apat si Davao City Mayor Rodrigo Duterte na naka-19 na porsyento.
Tatlong porsyento ang nakuha ni Sen. Miriam Defensor Santiago at ang nalalabi ay undecided.
Kung wala naman si Poe sa pagpipilian, ang mangunguna ay si Binay na may 33 porsyento at sinundan ni Roxas na may 29 porsyento.
Pangatlo si Duterte (26 porsyento) at Santiago (9 porsyento). Ang nalalabing apat na porsyento ay undecided.
Kung wala naman si Duterte sa pagpipilian, si Poe pa rin ang nangunguna na may 38 porsyento. Sumunod si Binay (30 porsyento), Roxas (23), at Santiago (6).
Ginawa ang survey mula Disyembre 4 hanggang 12. Kinuha ang opinyon ng 1,500 respondents na pawang mga rehistradong bumoto at nakuhanan na ng biometrics ng Comelec. Mayroon itong plus or minus 2.6 porsyentong margin of error.
30
The post Poe ikinatuwa ang muling pangunguna sa survey appeared first on Bandera.