KAMAKAILAN ay ipinag-utos ng Palasyo ang 60-day suspension kay Cebu City Mayor Michael Rama matapos umanong ipag-utos ang demolisyon sa mga proyekto ng lokal na pamahalaan sa Labangon, Cebu City.
Kahit ano pa sabihin ng Malacañang, malinaw naman ito na panggigipit sa mga kalaban sa pulitika ng administrasyon lalo na kung ito ay makakaapekto sa pagtakbo ng pambato ng Liberal Party (LP) na si Mar Roxas.
Dating LP si Rama at iniwan ang partido at sumama sa United Nationalist Alliance (UNA) ni Vice President Jejomar Binay.
Alam naman nating na napakaraming botante sa Cebu at pabor na pabor kay Roxas kung ang mga nakaupo sa Cebu City ay kanyang mga kaalyado.
Masyadong garapal ang administrasyon kapag ang pinupuntirya ay ang mga kalaban sa pulitika pero kapag mga kaalyado, dedma lang kahit pa batikusin na laging nililibre ang mga kaibigan at kapanalig.
Hindi ba’t nauna nang binatikos ni Sen. Grace Poe ang hindi pagkakasama ni Transportartion Secretary Joseph Emilio Abaya sa mga kinasuhan kaugnay ng maanomalyang maintenace contract na pinasok para sa MRT-3?
Kapag ang target ay mga kritiko at oposisyon, mabilis pa sa alas-kuwatro pero kapag kapanalig, dedma lang kahit pa mapuna ng mga kritiko.
Lahat ay ginagawa ng administrasyon para lamang maalis ang mga balakid sa kandidatura ni Roxas.
Sinunod-sunod na ang disqualification laban kay Poe matapos na paboran ng dalawang division ng Commission on Elections ang mga petisyon na kumukuwestiyon sa legalidad ng kanyang pagtakbo sa pagkapangulo sa 2016.
Usap-usapan ngayon kahit saang sulok ng bansa na inaasahang isusunod na rin sina Vice President Jejomar Binay at Davao City Mayor Rodrigo Duterte sa mga maeetsapuwera sa pampanguluhang eleksyon sa Mayo.
Biruan man, posibleng mangyari na si Roxas na lamang ang matitira na tatakbo sa 2016 kung madidiskwalipika si Duterte dahil sa isyu kung tatanggapin ang kanyang substitution, samantalang usapan naman na maaaring makulong si Binay dahil sa mga kasong kinakaharap.
Usapan pa nga na sakaling wala nang kalaban si Roxas, kailangan na lamang niya ng isang boto para ideklara na pangulo ng bansa.
Sa pangungulelat ni Roxas sa mga survey, desperado na ba ang administrasyon na tanggalin ang mga balakid sa kanyang pagtakbo para siya na lamang ang matira sa mga kumakandidato?
Hindi naman ito malayong mangyari kung ang tuloy-tuloy ang panggigipit ng administrasyon sa mga kalaban nito sa pulitika.
Napakasuwerte ni Roxas kung tutuusin dahil lahat ay ginawa ng kanyang mga kaalyado para matiyak ang kanyang panalo pero ang problema ay siya mismo.
Hindi kasi umangat-angat sa mga survey kaya hindi tuloy maiwasan ng lahat na magtanong kung ano pa ang pwedeng gawin ng gobyerno para maipanalo si Roxas.
Nasa administrasyon lahat ng resources para maitulak ang kandidatura ni Roxas ngunit ano ang gagawin ni Pangulong Aquino kung ang kanyang anointed one ang siyang may problema dahil hindi ito makababa sa masa?
Kung tutuusin, napaikli na lamang ng panahon bago mag-eleksyon at ang nais lamang natin ay manalo ang karapat-dapat at talagang maupo ang isang lider na may kakayahang mamuno sa ating bansa.
The post Sinusuwerte talaga si Mar appeared first on Bandera.