Hindi natin puwedeng kontrahin ang kasikatan. Wala pang nanalo sa ganu’ng laban. Kapag panahon ng artista, anuman ang gawing paninira ng iba ay hindi sila magtatagumpay, lulutang pa rin ang kasikatan.
Ganu’n mismo ang nangyayari ngayon sa tambalan nina Alden Richards at Maine Mendoza na sikat na sikat bilang si Yaya Dub.
Sila ang pinagpipistahan kahit saan, nag-uumpuk-umpukan ang mga magkakaopisina, ang mga tindera sa palengke, ang mga estudyante, ang mga yayang nagbabantay sa kanilang mga alaga, talagang sila ang pinag-uusapan ngayon sa bawat sulok ng ating bayan.
Sinumang kumalaban sa kanila ngayon ay dalawang senaryo lang ang kalalabasan, ang pulutin sa kangkungan, kundi man sa basurahan.
Pansamantalang gamot sa stress at kalungkutan ang turing ngayon kina Alden at Yaya Dub. Magkita lang sila nang malayuan ay langit na ang kapantay nu’n sa kanilang mga tagasuporta.
Sinipsipan lang nila nang magkasunod ang walang kamalay-malay na straw ay trending na, nagbubunyi na ang buong bayan, ganu’n katindi ang pagdedeliryo ng mga kababayan natin sa sikat na tambalang AlDub.
Maging ang mga kaibigan namin sa Canada, Amerika at Europa ay meron na ring lagnat sa tambalan, nasusubaybayan din nila ang kalyeserye ng Eat Bulaga sa pamamagitan ng GMA-Pinoy TV, kilig na kilig sila sa tambalang naglampaso sa lahat ng mga artista ngayon sa ating bayan.
Sabi nga ni Lola Nidora, babala… lahat ay nangyayari sa tamang panahon.