MAGANDANG araw po. Isa ako sa masusugid na tagasubaybay ng inyong pahayagan. Ako po ay taga-Brgy. Tungkong Mangga, San Jose Del Monte Bulacan. Gusto ko lang ho sanang itanong kung magdaragdag ba ang Philhealth ng mga accredited health facilities para sa mga may sakit tulad ng father ko? Nahihirapan po kami dahil very limited lamang ang mga accredited rural health para sa anumang medical service na under ng Philhealth.
Ang father ko ay member ng Philhealth sa pamamagitan ng sponsored program sa matagal na panahon.
Salamat po.
Jasmin Salgado
09275…
KAUGNAY ng katanungan ni Ms. Salgado. Sa kasalukuyan ay pinalawak na ng Philhealth ang mga accredited health clinics nito na kung saan maaari na ring magpagamot sa mga accredited private clinic upang mas maraming mapuntahan ang ating mga miyembro.
Kung dati ay sa mga government facilities lamang maaaring magpa-check up o magpasuri ng karamdaman sa ngayon upang higit na marami ang mabigyan ng serbisyo ay ikinalat na rin ito sa mga pribadong pagamutan.
Ito ay nasa ilalim ng Tsekap o Tamang Serbisyo Para sa Kalusugan ng Pa- milya. Ang Tsekap ay ang bagong anyo ng dating Primary Care Benefits na naglalayong magbigay ng mga pagsusuri sa kalusugan ng pamilya upang makaiwas sa sakit at mapanatili silang malusog.
Kasama na rito ang mga serbisyong medikal para sa mga pangunahing sanhi ng pagkakasakit.
Ang mga serbisyong medical na kasama sa Tsekap ay ang mga sumusunod:
Konsultasyon at mga eksaminasyon upang mapangalagaan ang pangangatawan gaya ng regular na pagkuha ng presyon ng dugo, eksaminasyon para sa breast at cervical cancer, pagtuturo at pagbibigay payo tungkol sa pagpapasuso at maraming iba pa.
Iba’t-ibang mga pagsusuri sa dugo, ihi, dumi, plema at baga alinsunod sa rekomendasyon ng mga doctor.
Mga gamot para sa hika, ubo, sipon, pulmonya, pagdudumi at inspeksyon sa daluyan ng ihi o UTI
Sa kasalukuyan, ang mga miyembro at mga kwalipikadong dependent ng Indigent Sponsored Program, Organized Groups, mga Land Base members ng Overseas Workers Program (OP) at mga empleyado ng Department of Education (DepEd) ang mga saklaw ng programa.
Dalhin lamang ang alinman sa mga sumusunod na dokumento
-Philhealth ID
– Members Data Record (MDR)
-DepEd ID (Para sa mga DepEd employees)
Dr. Israel Pargas
OIC Vice-President For Corporate Communications
PHILHEALTH
May nais ba kayong isangguni sa Aksyon Line? Maari kayong sumulat sa aming tanggapan Aksyon Line c/o Inquirer Bandera, MRP bldg., Mola st. cor. Pasong Tirad st., Makati City o kaya ay mag-email sa jbilog@bandera.ph, jenniferbilog@yahoo.com.ph or jenniferbilog97@gmail.com.
Hangad ng Aksyon Line na buong puso namin kayong mapaglingkuran sa abot ng aming makakaya.
Ang inyo pong lingkod ay maaari rin mapakinggan sa Radyo Inquirer DZIQ 990AM sa Programang Let’s Talk; Mag-usap Tayo, tuwing Lunes, Miyerkules at Biyernes, alas-7 hanggang alas-8 ng gabi; at Isyu ng Bayan tuwing Linggo, alas-8 hanggang alas-10 ng umaga. Maaari rin po ninyo na matunghayan o mapanood sa pamamagitan ng live streaming www.ustream.tv/channel/dziq.