Mga Laro Ngayon
(Cuneta Astrodome)
4:15 p.m. Petron vs Shopinas
6:15 p.m. Philips Gold vs Cignal
PALALAKASIN pa ng Petron ang kapit sa itaas ng team standings sa pagharap sa Shopinas sa 2015 Philippine SuperLiga (PSL) All-Filipino Conference ngayon sa Cuneta Astrodome sa Pasay City.
Ang laro ay magsisimula sa ganap na alas-4:15 ng hapon at ikatlong sunod na panalo ang mahahablot ng Lady Blaze Spikers kapag dinaig nila ng napahingang Lady Clickers.
May 2-1 baraha ang Shopinas pero galing sila sa 17-25, 17-25, 17-25 pagkatalo sa Foton noong Marso 30.
Ang mahuhusay na sina Dindin Santiago-Manabat, Aby Maraño at Rachel Anne Daquis ang mga mangunguna sa tropa ni coach George Pascua upang manatiling nagsosolo sa unahan sa ligang inorganisa ng SportsCore katuwang ang Asics, Mikasa, Senoh, Muller Sports Medicine, Via Mare, LGR at Healthway Medical.
Sina Stephanie Mercado, Cha Cruz at Michelle Laborte ang mga aasahan ni Shopinas coach Ramil de Jesus para makabawi rin kahit paano kay Pascua nang talunin siya nito sa finals ng Grand Prix noong nakaraang koponan na si De Jesus ay coach ng Generika.
Ikalawang sunod na panalo naman ang makakamit ng Philips Gold sakaling manalo sila sa Cignal HD Lady Spikers sa ikalawang laro dakong alas-6:15 ng gabi.
Puwersado ang Cignal na ipakita ang angking galing dahil kung hindi ay babagsak sila sa 0-3 baraha.