Quantcast
Channel: Bandera
Viewing all articles
Browse latest Browse all 44314

Mapang-aping brodkaster

$
0
0

“AMBA, good pm. In the spirit of Lent, I extend my hand of apology for the wrongs I have made and ask for forgiveness.”

‘Yan ang text message na pinadala sa may-ari ng isang radio station na da-ting ambassador; kaya’t tinawag siyang “Amba.”

Ang text message ay ga-ling sa isang tanyag na brodkaster.

Malaking kasalanan ang ginawa ng brodkaster: Ti-nulak niya palabas ng elevator ang isang matandang lalaki nang walang dahilan.

Mistulang lumipad ang kawawang matanda palabas ng elevator matapos itong ihagis ng brodkaster at ng kanyang mga alalay.

Makikita sa CCTV footage ang pangyayari na bumagsak ang kawawang matanda sa semento kasunod ng mataba at matangkad na brodkaster at mga malalaking bodyguards.

Ang matanda ay puti na ang buhok at patpatin. Puwede ngang liparin ito ng malakas na hangin.

Ang kasalanan lang ng matanda ay makapasok sa isang elevator na kasama ang broadkster at kanyang mga alalay.

Nang pumasok ang brodkaster sa elevator, nakita niya na katabi ng matanda ang elevator operator.

Sinabihan ng brodkaster ang matanda na umusog sa likuran, pero tumanggi ito.

Ang dahilan ng matanda ay bababa siya ng una sa dahil nasa fourth floor lang siya samantalang ang radio station ng brodkaster ay nasa fifth floor.

Ang matanda kasi ay insurance agent at nagre-report ito paminsan-minsan sa insurance company sa ikaapat na palapag ng gusali.

Ang matangkad at matabang brodkaster ay nagalit sa hindi pagsunod ng matanda sa kanyang utos.

Nahihiya ako sa ginawa na iyon ng brodkaster dahil kasamahan ko siya sa radio station

Ang brodkaster ay may programang pinamagatang “Hustisya para sa Lahat.”

Inisip ko na isulat ang buong pangyayari — kahit na ang sangkot ay isang kapatid sa hanapbuhay — dahil ang battle cry at pamagat ng aking programa ay “Inapi ka ba? Isumbong mo kay Tulfo.”

Uusigin ako ng aking konsensiya kapag hindi ko ibinulgar ang pang-aapi ng isang maimpluwensiyang brodkaster sa isang mahirap na mamamayan.

Hindi ko masisikmura ang pang-aapi ng isang tao sa kanyang kapwa.

Kung ang nang-aapi ay kaibigan ko, magsosolian na kami ng kandila.

Ang insidente sa airport kung saan ako ay pinagtulungan ay gawa ng aking panghihimasok sa isang insidente kung saan nakita kong inaaapi ang ordinaryong empleyado ng mga mayayamang pasahero.
Lumaki ako, kasama ang mga kapatid ko, sa isang tahanan kung saan ang mga malalakas ay pinagtatanggol ang mga mahihina; ang matatanda ay inaalagaan ang mga nakakabata.
Ang aking ama, isang opisyal ng Philippine Constabulary (PC), ang nagturo sa amin na ipagtanggol ang mga inaapi.
Nakita ko minsan na sinampal ng aking ama ang isa niyang tauhan sa harap ng isang Tsinoy na may-ari ng restoran kung saan nakipag-inuman sa kanyang mga kaibigan ang kanyang tauhan, at nang malasing ay nanghipo ng mga waitresses at nagalit pa nang siya’y singilin ng kanyang chit.
Hindi pa nakontento na sampalin ang kanyang tauhan, ipinakulong pa niya ito sa camp stockade ng ilang araw at inutusan niyang bayaran ang Tsinoy.
(Hindi na magagawa ng isang superior officer sa kanyang subordinates ang ganoong pagdisiplina ng kanyang mga tauhan dahil marami nang human rights groups)
Kaya’t sana’y maintindihan ninyo ang aking mga kapatid na sina Ben, Raffy at Erwin kapag nakita ninyong pinahihiya ang isang abusadong pulis sa kanilang programa sa TV, at pagmumura ng inyong lingkod sa mga abusadong tauhan ng gobyerno sa aking radio program.
Hindi po pakitang-tao ang ginagawa namin; kami po ay mga anak ng aming mabagsik na ama.


Viewing all articles
Browse latest Browse all 44314


<script src="https://jsc.adskeeper.com/r/s/rssing.com.1596347.js" async> </script>