HANGGANG ngayon ay buhay na buhay pa rin sa isip at puso ni Claudine Barretto ang mga alaala ng dati niyang karelasyon na si Rico Yan.
Hindi nakalimutang batiin ni Claudine ang dating kasintahan sa kaarawan nito noong March 14, 40 years old na sana si Rico ngayon. Namatay ang aktor noong March 29, 2002 matapos atakihin sa puso due to acute hemorrhagic pancreatitis.
Sa kanyang Instagram account, nag-post ng lumang litrato nila ni Rico si Claudine na kuha sa huling pelikulang ginawa nila, ang “Got To Believe.” Nilagyan niya ito ng caption na: “Happy Birthday RY. You will forever remain in our hearts.”
In fairness, ang daming nag-like at nag-comment sa nasabing IG post ng aktres, kabilang na ang mga dati nilang supporters ni Rico. Habang sinusulat namin ang balitang ito, mahigit 10,000 na ang nag-like ng litrato habang libo na rin ang nagbigay ng kanilang komento.
Kung matatandaan, unang nagtambal sa pelikula sina Claudine at Rico noong 1996 sa “Radio Romance” hanggang sa maging magdyowa na nga.
Nag-celebrate pa sila ng kanilang 4th anniversary noong March 4, 2002, ilang araw lang bago pumanaw ang aktor. Pero may tsismis noon na hiwalay na ang dalawa bago pa mamatay si Rico.