USAP-USAPAN sa social media ang kumalat na litrato ni Ai Ai delas Alas kasama ang dating star player ng badminton team ng De La Salle University na si Gerald Sibayan.
Ang chika, umamin na raw si Gerald na siya ang bagong boyfriend ng Comedy Queen. Lumabas ang balita matapos ngang makiusap si Ms. Ai Ai sa entertainment press na huwag nang pag-usapan ang kanyang lovelife para iwas intriga at tsismis.
Edad 20 lang ang bagong karelasyon ng aktres. Ibig sabihin 30 years ang agwat ng edad nila ng Comedy Queen. Ai Ai is turning 50 this coming November.
Balitang kumukuha ng Sports Management sa DLSU si Gerald at matagal-tagal na rin silang magkakilala ni Ai Ai na siya ngang tumatayong manager ng badminton team ng La Salle. Dito rin nag-aaral ang panganay niyang anak na si Sancho.
Binisita namin ang Facebook ni Gerald at nakita nga namin doon ang mga litrato nila ni Ai Ai, at base sa nakita namin, mukhang matagal-tagal na rin ang kanilang relasyon.
Kung matatandaan, ilang buwan na ang nakararaan, nagpahiwatig si Ai Ai na may dine-date na naman siyang bagets pero tumanggi siyang pangalanan ang guy pero sinabi niyang ito na raw ang huling boyfriend niya matapos ang masaklap na paghihiwalay nila ni Jed Salang.
Tiniyak pa nga ng komedyana na hindi raw manloloko ang bago niyang boyfriend.