GRABE ang ginagawang sakripisyo ni Coco Martin para sa kanyang pamilya, kinalimutan muna niya ang sariling kaligayahan masiguro lang ang magandang kinabukasan ng mga mahal niya sa buhay.
Sa presscon ng bago niyang proyekto sa ABS-CBN, ang Wansapanataym Presents Yamishita’s Treasures kung saan muli niyang makakatambal ang isa sa favorite leading lady niyang si Julia Montes, sinabi ni Coco na hindi pa siya nag-aasawa dahil gusto muna niyang bigyan ng magandang buhay ang kanyang pamilya.
“Sabi ko nga, kagaya ng mga magulang ko, kagaya ng lola ko, mas inisip nila ang pamilya niya, mas inisip niya ang palakihin kami nang maayos kesa sa sarili niya. Kumbaga, yun lang ang mga bagay na sinusuklian ko na natutunan ko nung bata ako, na parang mas gusto ko munang i-priority ang pamilya ko ngayon.
“And then, ‘pag maayos na talaga, settled na ako, du’n ko lang talaga medyo maiisip na ilagay sa maayos ang sarili ko. Na, this time, siguro ito na ang tamang panahon para magkapamilya na ako,” paliwanag ng Teleserye King ng ABS-CBN.
Para kay Coco, 35 hanggang 40 years old ang ideal age ng pag-aasawa para talagang sigurado nang handang-handa na siya,
“Kasi ngayon, ang mga kabataan, hindi naman nagmamadali, e. Nakakatuwa nga ngayon kasi mas iniisip natin yung kinabukasan, yung future.
“Saka ngayon, hindi lang yung traditional na lalaki lang yung nagtatrabaho. Ngayon, pati dapat ang babae, kahit paano, kumbaga may magandang career, may magandang trabaho. Para makipagtulungan sila na para mas mapabuti nila yung pagpapalaki ng pamilya nila,” esplika pa ng award-winning actor.
Inamin naman ni Coco na marami nang kumukulit sa kanya na mag-asawa na, “Lalo na yung mga batchmates ko nu’ng high school, nu’ng college, parang ako na lang yata yung hindi pa lumalagay sa tahimik. Sabi ko nga, may tamang panahon para diyan.
“Sabi ko nga, ang inaasikaso ko, yung pamilya ko talaga, yung mga kapatid ko, yung mga magulang ko. After that, sana magkaroon ako ng kahit two years or three years para sa sarili ko. And then, after that, bubuuin ko ang sarili kong pamilya,” hirit pa ni Coco.
Para naman sa binata, kahit na raw umasenso na siya at nagkaroon na ng sariling bahay, ang kanyang pamilya pa rin ang itinuturing niyang tunay na kayamanan.
“Para sa akin po talaga, kung anuman lahat na meron ako ngayon, siguro sobra-sobra pa yung dumating sa akin. Pangarap ko lang talaga dati magkaroon ako ng trabaho. ‘Yun lang.
“Hindi ako pinalad na magkaroon ng maayos na pamilya nu’ng bata ako dahil separated ang parents ko.
“Ang pinaka-treasure ko lang, magkaroon ako ng maayos na pamilya. Kaya ngayon, sabi ko nga, ang mga kapatid ko, nakikita ko na kahit papa’no, nagkakaroon ng direksiyon ang buhay.
“Nagagampanan nila o naging maayos ang anak nila. Yun yung kayamanan na maituturing ko,” pahayag pa ni Coco.
Dagdag pa ng Kapamilya actor, “Siguro 340 days, nagtatrabaho ako. Hindi ako napapagod, kasi ‘pag umuuwi ako sa bahay, honestly, sobrang saya ko kahit wala akong ginagawa.
“Kapag nakikita ko ang pamilya, nandiyan na buo, nakikita ko na masaya sila, nawawala lahat ng pagod ko,” aniya pa.
Pero ang tanong, si Julia na kaya ang pakakasalan ni Coco? Balit kasing hinihintay lang nila ang tamang panahon bago sila umamin sa kanilang relasyon. Ayon sa chika, matagal nang magdyowa ang dalawa, at inililihim lang nila sa madlang pipol para iwas-intriga.